
Bilang opisyal na pagtatapos ng taong pang-akademiko 2025-2026, ipinagdiwang ng komunidad ng Pamantasang Normal ng Pilipinas Timog Luzon ang Ika-31 na Seremonya ng Pagtatapos noong Hulyo 31, 2026 sa Himnasyo ng Kampus sa ilalim ng temang “Shaping Minds, Leading Futures.” Ngayong taon, 156 na nagtapos sa antas di-gwadrado ang ginawaran ng kani-kanilang digri. Sa bilang na ito, 35 ang nagkamit ng karangalang Cum laude at 10 ang nagkamit ng karangalang Magna cum laude.
Binigyang dangal ang natatanging seremonyang ito ng pagdalo ni Kgg. Atty. Keith Micah D.L. Tan, Kinatawan ng ika-apat na Distrito ng Quezon sa Kongreso, bilang Panauhing Pandangal at Tagapagsalita at dinaluhan din ng mga opisyal ng Pamantasan sa pangunguna ni Dr. Marilyn U. Balagtas, Pangalawang Pangulong Pang-akademiko, kasama sina Dr. Teresita T. Rungduin, Pangalawang Pangulo sa Pananaliksik, Ekstensyon, at Pagtitiyak ng Kalidad, Dr. Rodrigo D. Abenes, Rehente para sa mga fakulti ng PNU, G. Arnold D. Monticalvo, Rehente para sa mga mag-aaral ng PNU, at G. Gerard G. Manuel, Kalihim ng Lupon ng mga Rehente. Gayundin, nanguna sa pagdiriwang ang mga opisyal ng kampus sa pamumuno ni Dr. Amor F. Loniza, Ehekutibong Direktor at Provost, katuwang ang mga miyembro ng fakulti at mga kawani.
Higit sa isang simpleng pagtatapos, ang seremonyang ito ay isang bagong simula para sa mga nagsipagtapos para sa kanilang patuloy na paglalakbay upang maging ganap na guro ng bayan na pumapanday ng mga bagong henerasyon.






